Panuto at Kamay

Komposisyon ni Albert Ryan I. Jasareno

May iba’t-ibang mga laruan sa mundo at kadalasn ay para ito sa mga bata. Ngunit meron mga laruan na para sa mga mas nakatatanda pero pusong bata pa rin. Ang mga laruang ito ay hindi pinaglalaruan kung hindi ay itinatabi sa loob ng isang salamin na kabinet upang maipakita sa mga bisita o sa sarili. Para sa mga taong nangongolekta ng ganitong mga laruan, tulad ko, ay may kasiyahan na naidudulot ang simpleng pagtingin sa mga ito lalo na kung ang sariling mga kamay ang bumuo nito. Ang mga laruang ito ay tinatawag na mga scale models.

Ang mga scale models ay pinaliit na modelo ng totoong sasakyan, eroplano, barko o ng mga kathang-isip na mga robot at iba pa. Kadalasan ang mga modelong ito ay kailangan pang buuin at karamihan ay nangangailangan pang pinturahan upang mag mukang katulad ng katumbas nito sa totoong buhay. Maari na para sa iba, isa itong luho, at tama sila. Ang mga scale models, depende sa gumawa na brand at modelo ay may kamahalan. Ngunit para saaming mga collector nito, ang aming binabayad ay hindi lamang para sa mismong modelo kung hindi pati na rin sa kasiyahan na naidudulot ng pagbuo ng mga ito. May katagalan ang proseso ng pagbuo ng mga scale models at kung minsan ay maaring tumagal ng isa hangang pitong araw, depende sa oras na ginugugol sa paggawa nito pati na rin sa laki at detalye na meron ang modelo. Na sabihan na ako noon na pawing nag sasayang lamang ako ng oras sa pagbuo ng mga scale models na ito ngunit ang aking paliwanag ay isa itong libangan na naghahasa din ng ilang mga kakayahan ko.

Unang-una na nahahasa ay ang abilidad na umintindi sa mga biswal na panuto na walang kahit anong salita na nakasulat. Sa mga manual na kasama sa mga modelong ito ay pinapakita lamang ang mga piraso na kinakailangan para sa isang parte ng modelo at sa kung paanong paraan itong mga piraso pagbubukludin. Pawang mga ilustrasyon lamang ang aming gabay sa paggawa nito. Pangalawa ay kakayahan na magpinta, gumuhit at lumikha. May mga kollector na pinipiling pinturahan at lagyan ng agdag na detalye sa pamamagitan ng pagguhit at kung minsan ay paggawa ng dagdag na mga piraso gamit ng ilang espesyal na materyales. Sa paggawa ng mga dagdag na detalye, ulit ay depende sa modelo na ginagawa, ay pinapairal ang imahinasyon. Para sa mga modelo ng iba’t-ibang mga sasakyan, ang pagsusuri ng mga litrato ng sasakyang iyon ay ginagawa para magkaroon ng gabay sa paggawa ng makatotohanang representasyon nito.

Ang libangan na ito ay totoo nga na isang luho na may mabusisi at matagal na proseso bago matapos ang isang modelo. Ngunit gayumpaman, kung ikukumpara ito sa pagsusunog ng mata sa harap ng screen ng computer sa paglalaro ng video games, di-hamak naman na mas produktibo ang paggawa ng mga scale models dahil na din sa may mga kasanayan na nahahasa habang binubuo ang mga ito. Kung ang mga laruan ng mga bata ay ginagamit hangang sa masira ito, ang mga laruan ng mas nakatatanda ay pinapahalagahan at sinisiguradong tatagal hangang sa maipasa ito sa kaniyang anak o sa panibaging may-ari.

Papel, Panulat, Imahinasyon

Komposisyon ni Albert Ryan I. Jasareno

Sa panahon ngayon kung saan video games ang isa sa mga madalas na nagiging libangan ng mga kabataan pati na rin ng ilang mga matatanda, ako ay nakatuklas at nakahiligan ang isang uri ng laro na hindi nangangailangan ng gadgets o lumbas ng bahay. Ito ay isang laro kung saan, nangangailangan lamang ng ilang pirasong papel, lapis, mga kaibigan at maraming imahinasyon. Ito ay ang larong Dungeons and Dragons, isang fantasy tabletop role-playing game kung saan ang mga manlalaro ay gagawa ng kanilang mga karakter na maglilibot sa isang mundo ng mahika na puno ng mga tao, halimaw at ng mga kaganapan. Ang nagsisilbing tagapagsalaysay ng mundo upang mabuhay ito sa imahinasyon ng mga manlalaro ay tinatawag na game master. Siya ay maituturing na parang referee ng mga manlalaro at ang nagbibigay buhay sa mga karakter na hindi kontrolado ng mga manlalaro pati na rin sa mga halimaw na kanilang kakalabanin.

Ako ay may isa’t kalahating taong naglalaro ng DnD, kadalasan bilang isang game master para sa aking mga kaibigan. Sa panahong ito ng aking paglalaro at paggawa ng mga mundo mula sa kawalan at mga istorya para saaking mga manlalaro, aking napagtantuhan na hindi katulad sa video games ay mas may kahulugan ang interaksyon ng mga manlalaro sa isa’t-isa. Aking napansin na tuwing may isang bagay na dapat pagpasyahan ng mga manlalaro ay kanilang iniisip kung ano ang maaring maging kahinatnan ng kanilang desisyon at dahil dito, may mga pagkakataon na kailangan kong gumawa ng istorya ng mabilisan dahil may ginawa silang hindi ko inaasahan. Hindi katulad ng isang video game, ang ganitong klase ng laro na tulad ng DnD ay mayroong natatanging lebel ng kalayaan para sa game master at pati na rin sa kaniyang mga manlalaro. Ang mga istorya na nagagawa ay kadalasn bunga ng mga desisyon at kilos ng mga karakter.

Sa larong ito, nahahasa ang pakikinig ng mga manlalaro sapagkat kahit may mangilan-ngilan na biswal na representasyon akong pinapakita sa kanila bilang isang game master, kadalasan ay pawang mga salita ko lamang ang kanilang ginagamit upang makita ang kaganapan sa mismong laro. Kung minsan ay may pagarte rin ang nagaganap sapagkat nilalagay ng mga manlalaro ang kanilang sarili sa sapatos ng kanilang mga karakter at ako, nilalagay ko naman ang sarili ko sa sapatos ng mga karakter na hindi nilakontrolado. Kasama na rin dito ang paghasa ng aking paggawa ng mga istorya. Kaya naman ay, masasabi ko na kahit kami ay pawang nag lalaro lamang ay may mga kasanayan kami na aming napapaunlad.

Sa panahon ngayon kung saan ang mga mat ang karamihan ng tao ay nakatitig sa mga screen ng kanilang mga gadgets tuwing naglilibang, ako naman at ang aking mga kaibigan ay nakatitig sa papel, sa muka ng isa’t-isa at sa isang mundong buhay sa aming imahinasyon.